Wala nang hihilingin si Ai-Ai

sample-ad

Nu’ng April 12, ay ginawa nang pormal ni Gerald Sibayan ang pinaplano nilang pagpapakasal ng Philippine Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas.

ENTERTAINMENT - Ai-Ai at Gerald (Supplied photo)

Ai-Ai at Gerald (Supplied photo)

Walang nangyaring drama sa kanilang engagement, nagbigay lang ng singsing si Gerald na tanda ng pagmamahal nito sa komedyana, ang pinakamahalaga ay parehong bukas ang kanilang puso sa pag-iisang-dibdib.

Kuwento ni Ai-Ai ay wala na siyang mahihiling pa kay Lord dahil binigyan siya ng lalaking hindi sumukat sa kanyang nakaraan. Dumaan na siya sa pinakamatinding paghamon sa pakikipagrelasyon pero ang lahat ng ‘yun ay tinanggap ni Gerald nang walang kuwestiyon.

“Yun kasi ang palagi kong hiling kay Lord. Na kung sakaling meron pang darating sa buhay ko, biyayaan sana Niya ako ng taong makatatanggap sa worst past ko.

“Hindi ako humihingi ng guwapo, ng mayaman, kundi isang taong makaka-match ko ang ugali. Si Gerald ‘yun! Wala kaming pinagtatalunang malalaking issue.

“Kaliliit nga! Minsan, parang walang challenge! Nakakaloka! After ng mga pinagdaanan ko, parang hinahanap ko pa ‘yun!” tawa nang tawang kuwento ng Comedy Concert Queen.

Isang aspetong mas nagpatibay sa kanilang relasyon ay ang pagboto ng tatlo niyang anak kay Gerald. Kaibigan ni Sancho ang kanyang boyfriend, kasundo rin nina Nicolo at Budang, pati ang kanyang mga kamag-anak ay saludo kay Gerald.

“Alam mo ‘yung walang-wala siyang insecurity? Buo ang tiwala niya sa sarili niya. Mahirap makakita ng isang lalaking bata man, eh, buo na talaga ang self-esteem,” dagdag na kuwento pa ng komedyana.

Ang naganap na engagement ay hindi tanda ng kanilang pagmamadali. Nagkasundo na sila na maghihintay sila sa takdang panahon para maging legal na ang kanilang relasyon.

Maaaring pagtaasan ng kilay ng iba ang gustong mangyari ni Gerald, pero si Ai-Ai ang makapagpapatotoo na gusto muna nitong pag-ipunan ang kanilang kasal, ‘yun ang mas nagpatindi ng respeto ng komedyana sa kanyang boyfriend.

Pagkatapos nga naman ng mga istoryang pinagdaanan niya at tiniis, pagkatapos nang napakasalimuot niyang pakikipagrelasyon, ay heto ang isang lalaking naninindigan na pakakasalan siya pero kailangan pa muna nitong paghandaan ang pagharap nila sa altar.

“Saka, wala akong itinatago kay Ge. Ako mismo ang nagkuwento sa kanya ng nakaraan ko. Cards on the table talaga, wala akong itinago sa kanya. Alam na alam niya ang kuwento ng buhay ko,” pahayag ni Ai-Ai.

Badminton ang pinag-ugatan ng kanilang relasyon. Mahusay maglaro si Ai-Ai at si Gerald naman ay isang magaling na trainer. ‘Yun ang trabaho ng binata, ang paghawak sa mga badminton teams ng iba-ibang kolehiyo, ‘yun ang kanyang pinagkakakitaan.

Napakalaking personalidad ni Ai-Ai delas Alas. Sa mga unang taon ng kanilang relasyon ay pinagdudahan ang bagets niyang boyfriend na gagamitin-peperahan lang siya nito.

Pero panahon ang nagpaliwanag ng katotohanan. Naging kakampi ng Comedy Concert Queen ang pagkakataon. Hindi napagod ang kanyang bibig sa pagpapaliwanag dahil mismong si Gerald Sibayan ang nagpatunay sa buong mundo tungkol sa malinis nitong hangarin sa komedyana.

At hinog na hinog na ang pundasyon ng kanilang pagmamahalan ngayon. Ang magkatuwang nilang panalangin ni Gerald ay wala sanang maging hadlang sa kanilang pagpapakasal, wala sanang magbago, mas pagtibayin pa sana ang respeto nila sa isa’t isa.

“Nakukuha sa dasal ang pakikipagrelasyon. Kapag sincere ka, kapag feeling ni Lord, eh, sobra-sobra na ang hirap na pinagdaanan mo, magbibigay Siya ng taong babawi sa lahat-lahat.

“Lagi kong sinasabi kay Ge na biyaya siya ni Lord sa akin. At ang biyaya, in any form, eh, iniingatan,” napakagandang paglalarawan ni Ai-Ai sa pagdating ni Gerald Sibayan sa kanyang buhay.

 

sample-ad

Facebook Comments

Website Comments

  1. Donella Curpupoz

    Right here is the right web site for anybody who wishes to find out about this topic. You understand so much its almost hard to argue with you (not that I really will need laugh out loud). You certainly put a new spin on a topic that has been discussed for decades. Excellent stuff, just great!

POST A COMMENT.

WordPress spam blocked by CleanTalk.