Joshua Garcia, may paghanga at respeto pa rin kay JLC

Nakakatikim na ng binyag ng apoy ang magaling na young actor na si Joshua Garcia. Maraming nang-uupak sa kanya ngayon sa social media dahil sa magagandang salita na ipinaangkin niya kay John Lloyd Cruz.

May mga reporters kasing nagtanong sa kanya kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa mga isyung kinasasangkutan ngayon ng sikat at magaling na aktor?

Nagpakatotoo lang si Joshua Garcia sa pagsasabing anuman ang mangyari ay hindi magbabago ang kanyang paghanga at pagrespeto kay JLC. Wala raw siyang nakikitang mali sa mga ginagawa nito.

Hinahangaan pa rin daw niya si John Lloyd, “sinasamba” pa rin niya ang aktor, wala raw dahilan para mawala na ang pag-idolo niya kay John Lloyd.

Sa totoo lang ay hindi naman talaga tayo makaaasa ng mga salitang madiin at nakapananakit kay John Lloyd mula kay Joshua. Ano ‘yun, suicide, siya mismo ang maghahain ng kanyang sarili para lapa-lapain ng mga tigre?

Siyempre’y hindi niya sisiraan ang kanyang idolo. Natural lang na hindi siya magpapakawala ng mga salitang manunugat sa damdamin at imahe ng kanyang idolo.

Gusto ba niyang gawin siyang pulutan sa social media? Gusto ba niyang matikman ang mga salitang kahit mula sa mga magulang niya ay hindi pa niya natitikman?

Nagpakatotoo lang si Joshua Garcia. Opinyon niya ‘yun. Saloobin niya ‘yun na hindi natin puwedeng saklawan.

-o0o-

Nakumpleto namin ang panonood sa Maalaala Mo Kaya na si Jessy Mendiola ang bumibida sa istorya.

Maaaring maputla pa ang pag-arte ni Jessy kumpara sa ibang artista, pero nakaaarte naman pala siya nang hindi pilit, hindi naman pala totoo ang mga pintas sa kanya sa social media na ganda lang ang puhunan niya.

Puwedeng kulang pa ang kanyang ipinakita pero hindi naman nagyayabang at nagpapanggap si Jessy na pang-award ang acting niya. Ang mahalaga ay ginawa niya ang lahat-lahat ng kaya niya, pinag-aralan niyang mabuti ang atakeng gagawin niya, at pasable niyang natagpusan ang papel na ibinigay sa kanya ng MMK.

Maayos ang relasyon nila ni Luis Manzano. Aminado ang aktor-TV host na pinag-uusapan na rin nila ang pagpapakasal sa ngayon pero kailangan muna nilang unahin ang mga pangarap pang gusto nilang marating.

Du’n sa argumentong kaya nagkakasundo sila ay dahil hindi nakikipagkumpetisyon si Jessy kay Luis ay magandang katangian ‘yun. Maraming relasyon sa showbiz ang nauwi sa wala dahil may kumpetisyon sa pagitan ng mga nagmamahalan.

Pero sabi nga ng kaibigan namin, “Nabasa ko ‘yung comment ni Congresswoman Vilma Santos na gusto raw niya si Jessy dahil hindi siya nakikipag-compete kay Luis. Ang dating nu’n sa akin at sa mas nakararami, eh, submissive lang si Jessy kay Luis.

“Dapat lang naman siguro dahil starlet lang naman si Jessy kumpara kay Angel Locsin na big star talaga. Lumulugar lang naman si Jessy sa dapat niyang kalagyan.

“Siyempre po, may superstar complex si Angel Locsin dahil sikat siyang artista, di ba? Walang dahilan para makipag-compete si Jessy kay Luis dahil lesser star nga siya. ‘Yun lang po,” pananaw ng kaibigan naming propesor.

Ano sa palagay n’yo, mga kabayan, pasok ba sa banga ang opinyon ng aming kaibigan?

Facebook Comments

POST A COMMENT.

WordPress spam blocked by CleanTalk.